"madilim ang panahon nang ako'y isilang kaya ang tula'y ginagawang tanglaw sa daraanan"
Ang iyong hagikgik
Agawan mo ako ng tinapay, kung gusto mo,
ng hangin, pero
‘wag mong agawin sa akin ang iyong hagikgik.
‘Wag mong ilayo ang rosas,
ang bulaklak na iyong pinitas,
ang tubig na biglang
bumubulwak sa kaligayahan,
ang ragasa
ng pilak na nasa iyo.
Marahas ang aking pakikibaka at bumalik ako
na pagod ang mga mata
sa mga pagkakataong nakitang
ang mundo’y hindi nagbabago,
pero kapag dumating ang iyong hagikgik
pumapaimbulog ito sa langit hinahanap ako
at binubuksan nito para sa akin ang lahat
ng mga pintuan ng buhay.
Mahal ko, sa pinakamadilim na
sandali ang iyong hagikgik
ay bumubukas, at kung bigla
mong makita na minamantshan ng aking dugo
ang mga bato sa lansangan,
humagikgik ka, dahil ang iyong hagikgik
para sa aking mga kamay
ay tulad ng bagong espada.
Kasunod ng dagat sa taglagas,
dapat idaluyong ng iyong hagikgik
ang mabulang pagtagas,
at sa tagsibol, mahal,
gusto ko ang iyong hagikgik tulad
ng bulaklak na pinakahihintay,
ang asul na bulaklak, ang rosas
ng umaalingawngaw kong bansa.
humagikgik ka sa gabi,
sa araw, sa buwan,
humagikgik sa buktot
na mga lansangan ng isla,
humagikgik sa tulirong lalaking itong
nagmamahal sa iyo,
pero kapag idinidilat
at ipinipikit ko
ang aking mga mata,
‘pag umaalis ang aking mga hakbang,
‘pag bumabalik ang aking mga hakbang,
ipagkait mo ang tinapay, hangin,
liwanag, tagsibol,
pero ‘wag ang iyong hagikgik
dahil mamamatay ako.
*salin ng your laughter ni neruda
Kung Ako’y
Isang bagay
ang gusto kong malaman mo.
Alam mo kung paano ito:
kung titingalain ko
ang kristal na buwan, sa pulang sanga
ng mabagal na taglagas sa aking bintana,
kung damhin ko
sa tabi ng apoy
ang di mahawakang abo
o ang kulubot na katawan ng troso,
inihahatid ako ng lahat ng mga ito sa iyo,
na parang ang lahat ng bagay,
halimuyak, liwanag, metal,
ay maliliit na bangkang
naglalayag
patungo sa iyong mga islang naghihintay sa akin.
Kung gayon, ngayon,
kung unti-unting tigilan mo akong mahalin
unti-unti na rin kitang titigilang mahalin.
Kung bigla-biglang
kalimutan mo ako
huwag mo na akong hanapin,
sapagkat maaaring nakalimutan na kita.
Kung iisipin mong matagal at nakababaliw,
ang hangin ng mga bandera
na dumaraan sa buhay ko,
at magpasya kang
iwanan ako sa dalampasigan
ng puso kung saan ako may ugat,
tandaan mo
na sa araw na iyon,
sa oras na iyon,
itataas ko ang aking mga kamay
at ang aking mga ugat ay lilisan
upang maghanap ng ibang lupa.
Pero
kung sa bawat araw,
sa bawat oras,
nararamdaman mong ika’y nakalaan sa akin
taglay ang malupit na katamisan,
kung sa bawat araw isang bulaklak
ang umaakyat sa iyong mga labi para hanapin ako,
a mahal ko, aking mahal,
sa akin nauulit ang lahat ng apoy,
sa akin walang namamatay o nalilimutan,
ang aking pag-ibig ay nabubuhay sa iyong pag-ibig, minamahal,
habang nabubuhay ka lalagi ito sa iyong mga yakap
nang hindi nililisan ang sa akin.
*salin ng if you forget me ni neruda
Wag po Koyang!
Kagabi, muli kong narinig ang tinig ng makata, kompositor at mang-aawit na matagal ko nang hindi narinig sa loob ng mahabang panahon. Napakapamilyar niyon sa aking pandinig, parang ibinabalik ako sa isang espasyong napakakakaiba. Napakasining!
Si Jess Santiago o Koyang sa kanyang mga kaibigan, kakilala't taga-hanga, ang may-ari ng tinig.
Ilang beses na tumayo ang mga balahibo ko sa pakikinig sa kanyang awit. Awit ng pakikibaka, pag-ibig at saloobin ng karaniwang Pinoy. At parang balong sa pilapil na hindi mapigilan, dumaloy ang mga alaala.
Sumasagi sa puso't utak ang bawat kalabit ng kanyang daliri sa kwerdas; alaala ng iniwang nayon, alaala ng pag--iisa. Lumbay at kasiyahan. Sa iba't-ibang paraan. Minsan siya'y nagpapatawa sa kanta, naglalaro ng tunog sa mga pamilyar na bagay sa pang-araw-araw na buhay. Natatawa ako pero tumitimo sa puso ang mensahe. Yun bang parang nangingiti ka dahil nagpapatawa siya pero gusto mong yumuko, (dahil siguro may nais kang itago) dahil tinamaan ka. Sapul.
Ang awit ni Koyang ay tunay na awit. Nanggagaling sa puso. Tiyak rin namang pinag-isipan dahil hindi nagsalansan lamang ng "pumpon ng mga salita". Sa madaling salita'y matulain.
Kaya wag po, Koyang. Wag kang magasawang awitin ang aming awit! Salamat.
(Halaw kay Anon)
Isa
Nagkasakay kami sa dyip noong isang araw. Nakaupo ako sa tabi ng drayber. Siya, sumakay sa tapat ng Islamic Studies building. Nagkumustahan, ngiti, tango. Tapos , bigla niyang sinabi, "Uy, nabasa ko yung sinulat ninyo, ang ganda". Nagulat talaga 'ko. Sinipat ko siya mula sa salamin, mukha naman siyang seryoso. Inisip kong 'yung isa kong tula na ineksibit ng Amado sa Vinzons Hall ang tinutukoy niya, hindi pala. 'Yun palang sinulat namin ni Macis tungkol sa neoliberalismo. May kahati pala 'ko sa papuri.
Pero parang hindi pa rin ako makapaniwala. May hatid iyong kiliti sa aking tenga at puso. Siguro dahil matagal na ring hindi ako nakakatanggap ng komentong ganun. Basta, parang lumilipad ako habang sakay ng dyip. Parang noong unang araw na naging kami ni Macis. Parang umaawit ang hangin.
Wow. May nagbabasa pa pala sa bansang ito.
Dalawang Haibun
1. Pagluwas
Binabasag ng garalgal na ugong ng traysikel na sinasakyan ko ang katahimikan ng kahabaan ng daang San Pablo. Parang kumakaway ang mga dahon ng sasa sa magkabilang gilid ng kalsada. Ninanamnam ko ang hampas ng hangin at ang tanawing dati'y karaniwan lang sa akin. Baka hindi na maulit.
Sa ibabaw ng tuyong palaisdaan, di magkamayaw ang mga langay-langayan. Waring nagmamadali sa pagdagit ng mga isda dahil papalubog na ang araw. Parang ako. Minsan lang mauwi sa bayang sinilangan ay kumakaykay rin sa pagluwas. Sila, kumakaykay sa maiuuwing pagkain. Ako, kumakaykay dahil naging "peligroso" ang pananatili sa aming baryo.
Pareho rin ang aming kinatatakutan, ang mabihag o bulabugin ng putok.
Kampay ng ibon
palayo nang palayo
sa katubigan.
2. Tanawin Mula sa Baybayin ng Rosario, Cavite
Asul. Alon. Kawan ng mga tagak sa malayu-layo. Sa mas malayo, mga bangkang idinuduyan ng habagat. Pagkatapos ay di maaninaw na hangganan sa dulo ng dagat.
haiku sa tag-ulan #7
Basa sa ulan
Ang anino ng baril
Ng mandirigma!
UP naming mahal.
nagsagawa ng vigil ang mga magsasaka sa harap ng department of agrarian reform, oktubre 19, bago sila tumungo sa tulay ng mendiola kinabukasan.
manggagawa at magsasaka. nakiisa ang uring manggagawa sa mga uring magsasaka sa paggunita sa mga martir na pesante sa pamamagitan ng pag-inom ng tapuey. mula sa kaliwa: ka willy marbella at ka daning ramos ng kilusang magbubukid ng pilipinas, at ka lito ustarez ng kilusang mayo uno.
pesteng daga ang turing ng mga pesante kay gloria macapagal arroyo. oktubre 20, sa kanto na ng recto at morayta nagprograma ang mga raliyista dahil hinarang sila ng daan-daang pulis bago pa makatapak sa paanan ng mendiola.
tinuhog at sinilaban ang peste.
punk's not dead!
philippines 2006. tarlac city
boy bagwis
darius
ilang-ilang
jason
kc ang
kenneth
kerko
len olea
makis
mykel andrada
noel barlecona
pogi
today
December 2007
November 2007
October 2007
September 2007
July 2007
March 2007
October 2006
July 2006
June 2006
April 2006
March 2006
October 2005
September 2005
August 2005
visited *loading* times