start your own blog now!
 
Read other blogs...

bathatula

"madilim ang panahon nang ako'y isilang kaya ang tula'y ginagawang tanglaw sa daraanan"

Sunday, 09 December 2007

Ang iyong hagikgik

 

Agawan mo ako ng tinapay, kung gusto mo,

ng hangin, pero

‘wag mong agawin sa akin ang iyong hagikgik.

 

‘Wag mong ilayo ang rosas,

ang bulaklak na iyong pinitas,

ang tubig na biglang

bumubulwak sa kaligayahan,

ang ragasa

ng pilak na nasa iyo.

 

Marahas ang aking pakikibaka at bumalik ako

na pagod ang mga mata

sa mga pagkakataong nakitang

ang mundo’y hindi nagbabago,

pero kapag dumating ang iyong hagikgik

pumapaimbulog ito sa langit hinahanap ako

at binubuksan nito para sa akin ang lahat

ng mga pintuan ng buhay.

 

Mahal ko, sa pinakamadilim na

sandali ang iyong hagikgik 

ay bumubukas, at kung bigla

mong makita na minamantshan ng aking dugo

ang mga bato sa lansangan,

humagikgik ka, dahil ang iyong hagikgik

para sa aking mga kamay

ay tulad ng bagong espada.

 

Kasunod ng dagat sa taglagas,

dapat idaluyong ng iyong hagikgik

ang mabulang pagtagas,

at sa tagsibol, mahal,

gusto ko ang iyong hagikgik tulad

ng bulaklak na pinakahihintay,

ang asul na bulaklak, ang rosas

ng umaalingawngaw kong bansa.

 

humagikgik ka sa gabi,

sa araw, sa buwan,

humagikgik sa buktot

na mga lansangan ng isla,

humagikgik sa tulirong lalaking itong

nagmamahal sa iyo,

pero kapag idinidilat

at ipinipikit ko

ang aking mga mata,

‘pag umaalis ang aking mga hakbang,

‘pag bumabalik ang aking mga hakbang,

ipagkait mo ang tinapay, hangin,

liwanag, tagsibol,

pero ‘wag ang iyong hagikgik

dahil mamamatay ako.

 

*salin ng your laughter ni neruda

posted by: bathatula at 06:48 | link | comments |

 

About me

Blogger:
Name: soliman agulto santos

Contact me
My profile
Linkme
Subscribe to this blog

Recent comments

Mo'nonymous on Kung Ako’y Lim...

 

Counter

visited *loading* times