start your own blog now!
 
Read other blogs...

bathatula

"madilim ang panahon nang ako'y isilang kaya ang tula'y ginagawang tanglaw sa daraanan"

Friday, 09 November 2007

Kung Ako’y Limutin Mo*

 

Isang bagay

ang gusto kong malaman mo.

 

Alam mo kung paano ito:

kung titingalain ko

ang kristal na buwan, sa pulang sanga

ng mabagal na taglagas sa aking bintana,

kung damhin ko

sa tabi ng apoy

ang di mahawakang abo

o ang kulubot na katawan ng troso,

inihahatid ako ng lahat ng mga ito sa iyo,

na parang ang lahat ng bagay,

halimuyak, liwanag, metal,

ay maliliit na bangkang

naglalayag

patungo sa iyong mga islang naghihintay sa akin.

 

Kung gayon, ngayon,

kung unti-unting tigilan mo akong mahalin

unti-unti na rin kitang titigilang mahalin.

 

Kung bigla-biglang

kalimutan mo ako

huwag mo na akong hanapin,

sapagkat maaaring nakalimutan na kita.

 

Kung iisipin mong matagal at nakababaliw,

ang hangin ng mga bandera

na dumaraan sa buhay ko,

at magpasya kang

iwanan ako sa dalampasigan

ng puso kung saan ako may ugat,

tandaan mo

na sa araw na iyon,

sa oras na iyon,

itataas ko ang aking mga kamay

at ang aking mga ugat ay lilisan

upang maghanap ng ibang lupa.

 

Pero

kung sa bawat araw,

sa bawat oras,

nararamdaman mong ika’y nakalaan sa akin

taglay ang malupit na katamisan,

kung sa bawat araw isang bulaklak

ang umaakyat sa iyong mga labi para hanapin ako,

a mahal ko, aking mahal,

sa akin nauulit ang lahat ng apoy,

sa akin walang namamatay o nalilimutan,

ang aking pag-ibig ay nabubuhay sa iyong pag-ibig, minamahal,

habang nabubuhay ka lalagi ito sa iyong mga yakap

nang hindi nililisan ang sa akin. 

 

 

 

*salin ng if you forget me ni neruda

posted by: bathatula at 05:40 | link | comments (1) |

 

About me

Blogger:
Name: soliman agulto santos

Contact me
My profile
Linkme
Subscribe to this blog

Recent comments

Mo'nonymous on Kung Ako’y Lim...

 

Counter

visited *loading* times