"madilim ang panahon nang ako'y isilang kaya ang tula'y ginagawang tanglaw sa daraanan"
Sugpo ba ‘kamo?

Sa Hagunoy tayo!
Sikat ang Hagunoy, Bulacan pagdating sa pagkaing lamang-dagat. Sagana raw sa bangus, sugpo, alimango, tilapya, hipon at iba pa ang munting bayang nasa baybayin ng Lawa ng Maynila. Kung nanggaling ka sa Hagunoy, malamang na ganitong klase ng pagkain ang hanapin sa iyo bilang pasalubong.
Subalit sa pagiging tanyag ng Hagunoy sa mga produkto nitong lamang-dagat, waring hindi na naitatanong kung ano ang nasa likod ng kasaganaang ito, o kung meron ba talaga. At higit sa lahat, anong proseso ang pinagdaanan bago nagkaroon ng nakatatakam na sugpo, alimango at iba pa sa palengke o sa hapag-kainan.
Ang bayang ligid ng tubig
Likas sa yamang-dagat ang Hagunoy. Nalilibot kasi ito ng katubigan. Sa katunayan, ang ilang barangay na sakop nito ay bahagi ng Lawa ng Maynila. Dito nagmumula ang biyaya ng dagat na kasamang umaagos sa mga sapa’t kailugan ng naturang bayan.
Sa kasalukuyan, pangunahin pa ring nakabatay sa tubig ang ekonomiya ng Hagunoy. Batay sa isang balitang lumabas tungkol sa Hagunoy noong 2005, mahigit P400 milyon dahil sa ekta-ektaryang palaisdaan na pininsala ng malawakang pagbaha.
Sa pagtaya ni Nicanor Sevilla, isang taal na taga-Hagunoy, lampas pa sa isang tonelada ang iniluluwas na sugpo mula sa mga punduhan (fishport) ng Hagunoy. Hiwalay pa ito sa bangus at iba pang lamang-dagat na naiaambag ng Hagunoy sa iba’t ibang bahagi ng
“Mga negosyanteng Hapones, Taiwanese at Koreano ang nagpapalakad ng mga konsignasyon dito sa Hagunoy, sila ang nagdidikta ng presyo ng mga kalakal. “Kumbaga, ang mga taga rito lamang sa Hagunoy ang nag-aalaga, nagpapalaki at humuhuli ng mga sugpo para ipakain sa mga dayuhan,” aniya pa.
Magsugpo ay ‘di biro
Masalimuot ang proseso ng pag-aalaga bago naging sugpo ang sugpong nakikita natin sa mga palengke at malalaking restawran. Tatlo hanggang limang buwan ang kailangang gugulin sa pag-aalaga ng mamahaling pagkain.
Kuwento ni Sevilla, noong mga bandang dekada ’80 at ’90, 80% ang nabubuhay na sugpo sa mga palaisdaan. Malinis pa raw ang tubig noon. Isinisisi ng mga taga-Hagunoy ang polusyon sa paggamit ng sobrang feeds ng mga malalaking mamalaisdaan. Pero noong matuklasan ang paggamit at pag-abuso sa paggamit nito, nagsimula nang lumiit ang tsansang mabuhay ng mga inaalagaang lamang-dagat.
“Noon, maraming klase ng isda na nahuhuli sa ilog, pero unti-unti na ring naglaho dahil sa polusyon,” ayon kay Sevilla.
Pinapatay din umano ng feeds ang mga likas na pagkain ng mga isda tulad ng lablab at lumot. Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 30% na lamang ang inaaning sugpo ng mga mamalaisdaan dahil sa hindi maayos na patubig.
Bantay-palaisdaan
Pinakamalaki ang papel ng bantay-palaisdaan (care-take-care) sa industriya ng sugpo. Dahil wala pa halos teknolohiya sa pamamalaisdaan sa bansa, pangunahing umaasa ang industriya sa manwal na lakas ng mga taong kalahok sa produksiyon ng sugpo.
Simula sa pamimili ng binhi, kinukonsulta na ng propitaryo o namumuwisan ang bantay sa paghahanap ng magandang binhi. Pagkatapos makapamili, sa bantay na nakasalalay ang kabuhayan niya at ng kanyang amo.
Maselan ang pag-aalaga ng sugpo. Sa unang dalawang linggo nito, ikukulong muna sa maliit na lugar sa palaisdaan. Itlog at darak pa lang ipinakakain. Pagkatapos, pawawalan na ito sa kaluwangan at alamang naman ang ipakakain sa loob ng isang buwan.Ang bantay-palaisdaan din ang nagsisiguro ng tamang tasik (salinity) ng tubig bago ihulog ang sugpo. Siya rin ang bahala sa pagpapakain. Kung may tagas o balong ang pilapil, dapat agad iyong takpan. At tinitiyak niyang walang lamang bulig, bidbid o buwan-buwan ang lawa ng dagat na kumakain sa mga sugpo.
Ang sugpo na inabutan ng 3 buwan sa palaisdaan ay nagkakahalaga ng P400-P600 kada kilo sa palengke. Pero iyong umaabot ng mga apat-limang buwan, umaabot sa P700 ang presyo sa bawat isang kilo.
Nakadepende rin sa mga eksporter ng sugpo sa konsignasyon ang presyo nito. Kapag marami, mas mababa ang presyo. Wala kasing malalaking storage ang Hagunoy para mapanatili ang kasariwaan ng sugpo at iba pang kalakal para hindi ito nababarat.
Hindi pantay na hatian
Gaano man kalaki ang kontribusyon ng bantay sa pag-aalaga ng sugpo, hindi naman ganoon karami ang nakakaparte niya kapag naibenta na kalakal.
Ang karaniwang sustento (allowance) ng bantay ay mula P3,000 – P5,000 kada buwan. Pinapartehan na lamang siya ng propitaryo batay sa kanilang kasunduan. Mayroon ring sistemang kasama na hati sa gastos ang propitaryo at bantay. Kapag umani, hati rin dapat sila sa kita. Pero kadalasan hindi ganoon ang nangyayari.
Sa salaysay ni Sevilla, dinadaya ng mga propitaryo ang mga bantay para mas malaki ang kanilang maging parte. Halimbawa sa feeds, kinukuha ng mga propitaryo diretso mula sa pabrika ang feeds sa halagang P350 kada sako pero ililista niya iyong P500 sa gastos na paghahatian nila ng bantay. Ibig sabihin, lamang na agad siya ng P150 kada sako ng feeds. At umaabot sa libu-libo ang feeds na nakokonsumo ng mga sugpo sa loob ng isang anihan.
Samaktwid, hindi kasya sa bantay-palaisdaan ang sustentong ibinibigay ng propitaryo. Kaya gumagawa siya ng paraan para mabuhay sa panahon na malayo ang anihan. Isa na rito ang pagtatanim ng mga gulay sa pilapil ng palaisdaan. Ang iba naman, nanghuhuli ng isda, damuko, at iba pa para may maiulam o makapagbenta pa kung papalarin.
Sa kabila ng hirap na dinaranas ng isang bantay-palaisdaan sa pag-aalaga ng laman ng palaisdaan, kapiranggot lamang ang kanyang nakukuha. Ang masama pa, hindi man lamang nababanggit ang kanyang pangalan kapag may nakahandang katakam-takam na sugpo sa mga engrandeng handaan. Sila na lumilikha ng pagkain ng mga mamamayan ang siyang walang makain.
boy bagwis
darius
ilang-ilang
jason
kc ang
kenneth
kerko
len olea
makis
mykel andrada
noel barlecona
pogi
today
December 2007
November 2007
October 2007
September 2007
July 2007
March 2007
October 2006
July 2006
June 2006
April 2006
March 2006
October 2005
September 2005
August 2005
visited *loading* times