start your own blog now!
 
Read other blogs...

bathatula

"madilim ang panahon nang ako'y isilang kaya ang tula'y ginagawang tanglaw sa daraanan"

Tuesday, 20 June 2006

Paaralang Magbubukid

Hindi karit o asarol ang bitbit ng mga magsasaka nang magpunta sila sa UP Diliman noong Hunyo 10, nagpunta sila roon para mag-aral.

Ang PaMag o Paaralang Magbubukid ay isinagawa sa pangunguna ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) kasama ng mga tsapter nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mahigit 300 katao ang dumalo sa naturang pag-aaral na nagmula pa sa Gitnang Luzon, Timog Katagalugan at Cordillera. Ang totoo sila rin ang mga magsasakang nakipaggitgitan sa mga pulis noong Hunyo 9. Matapos ang kanilang protesta nang araw na iyon, sa UP Diliman na sila dumiretso para maghanda sa pag-aaral.

Ayon kay Ka Daning Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP, dumalo ang mga magsasaka para pag-aralan ang kalagayan, mga suliranin at isyung kinakaharap ng mga magsasaka. Inaaral ng mga magsasaka ang sarli nilang kalagayan, bakit nga hindi, hindi naman ito itinuturo sa tradisyunal na paaralan.

May mga dumalo ring mga estudyante, taong simbahan at iba pang sektor. Gusto nilang maunawaan ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka at ito ay isang ekspresyon na kaisa sila sa ipinaglalaban ng mga magsasaka. Na tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, ani Ka Daning.

“Napakainit ng kanilang paghahangad na makadalo. At ito ay ipagpapatuloy natin at pauunalarin sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang nang sa gayon ay patuloy na lumakas ang kilusang magbukid at ang suporta ng iba pang sektor.”

Matagal nang umiiral ang PaMag, nagsimula ito sa Timog Katagalugan sa pangunguna ng Kasama-TK ang tsapter ng KMP naturang rehiyon. Sa mga naunang PaMag, hindi lang kalagayan ng mga magsasaka at agrikultura ang tinatalakay, nagdaos din sila ng mga palihan sa tula, awit, dula at sayaw para linangin ang itinatagong talento ng mga magsasaka.

Pagpapahalaga sa Kultura
Napakataas, ani ka Ka Daning, ang pagpapahalaga ng mga organisasyon ng magsasaka sa kultura. Katunayan, nakapaglabas na sila ng libro, ang Umani, na kinatampukan ng mga tula, awit at sanaysay na isnulat ng ,ga magsasaka batay sa kanilang mga karanasan at mithiin. Itinaon ito sa ika-20 aniberasryo ng KMP noong nakaraang taon.

Ayon kay Ka Daning ito ay bahagi ng kanilang pagtataguyod sa sining na makamasa, siyentipiko at tunay na maglilingkod sa mga magsasaka at mamamayang Pilipino.

Ang pangunahing nilalaman ng PaMag ay ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka, ano ang kanilang mga suliranin sa lupa at kung ano ang solusyon. Naging napakainit ng talakayan sa pagitan ng mga estudyante at instruktor, sabi ni Ka Daning. Nagbabahaginan kasi ng mga kaalaman ang bawat isa batay sa kanilang karanasan.















Magbubukid/ Guro
Magsasaka ang mga estudyante at magsasaka rin ang mga instruktor. Kabilang sa mga instruktor ay sina Ka Daning mismo, Ka Willy Marbella ng KMP, Ka Pando Hicap ng Pamalakaya, Ka Boyet Galang ng ULWU at iba pang instruktor na nagmula rin sa kanilang sektor. 

Walang Panahon
Waring sinamantala na ng magsasaka ang pananatili nila sa Maynila. Bago pa man sila pumasok sa PaMag, nagprotesta na sila sa harap ng DAR (Department of Agrarian Reform) noong Hunyo 8. Nang gabi ring iyon, nagkaroon sila ng maikling programa na kinatampukan ng mga awitin, tula, dula at sayaw.

Kinabukasan, Hunyo 9, nagkaraban sila papunta sa harapan ng UST, mula roon nagmartsa sila papunta sana sa paanan ng Mendiola subalit hinarang sila bago paman makarating sa Morayta. Naggiit ang mga magsasaka na magmartsa para magprograma pero sinalubong sila ng mga pulis na armado ng batuta at shield. Pinagpapalo sila ng mga pulis kaya medyo napaatras sila.

Nagpasya ang mga lider-magsasaka, doon na mismo sa España ang programa. Patuloy pa rin silang binantayan ng mga pulis. Walang anu-ano’y nagkislutan ang mga nagpoprotesta, gumalaw pala ang hulihan ng bulto. Sa Bustillos sila dadaan papunta sa Mendiola. Ang buntot ng hanay ang naging ulo.

Dahil sa kanilang maniobra, nakarating ang mga magsasaka sa paanan ng Mendiola. Nalinlang nila ang mga pulis na naiwan sa may Morayta. Masayang naglundagan ang mga magsasaka pagtapak sa tulay ng Mendiola, ang makasaysayang tulay papasok sa Malakanyang. Iyon ang ikatlong pagkakataon na nakarating ang mga demonstrador mula nang ipatupad ni Pangulong Arroyo ang CPR.

Subalit hindi rin sila pinayagang magprograma roon. Sa halip, muli silang hinarang ng mga pulis at sa pagkakataong ito, ginamitan na sila ng tubig na galing sa trak ng bumbero. Pinanatili ng mga magsasaka ang hanay. Nakiusap na baka puwedeng itigil na ang pambobomba ng tubig, pagtulak at pamamalo, subalit walang naririnig ang mga pulis, sumusunod lamang sila sa utos ng kanilang amo.

Napaatras ang mga magsasaka sa harapan ng simbahan ng Loreto Church sa Bustillos. Maraming nasaktan, mayroon pang mga duguan. Subalit parang walang kapaguran ang mga magsasaka, nagprograma pa sila roon hanggang maghiwa-hiwalay na.

Hulyo 10, nag-aral naman ang mga magsasaka. Ginanap iyon sa Kolehiyo ng Arte at Literatura sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Pagkatapos ng mga pag-aaral, idinaos naman nila noong Hunyo 11 ang isang gabi ng pagtatanghal.

Gabi ng Pakikipagkaisa
Maalinsangan ang hapon nang magtipun-tipon ang mga magsasaka sa lilim ng Quezon Hall ng UP Diliman. Hindi magkamayaw ang mga tao sa pagparoo’t parito. Pagkatapos ng hapunan, naghanda na ang lahat para sa inaabangang kulturang pagtatanghal, ang gabi ng pakikipagkaisa ng mga magsasaka mula sa Gitnang Luzon, Timog Katagalugan at Cordillera. Ito na rin ang huling gabi ng kanilang pagtitipun-tipon mula nang lumuwas sila sa Maynila para magprotesta sa ika-18 anibersaryo ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program).

Bago dumilim ay sumungit ang panahon. Umihip ang malamig na hangin at umambon hanggang bumuhos ang malakas na ulan. Naantala ang programa. Pero hindi iyon naging hadlang para maituloy ang programa. Nagpasya silang pumunta sa College of Social Welfare and Community Development para doon na magprograma.

Natuloy din sa wakas bagamat pagod at inaantok na ang mga magsasaka. Gayunpaman, nilabanan nila ang antok at pagod para manood o di kaya’y makinig sa mga awit, tula at sayaw ng mga magtatanghal.

Kabilang sa mga nagtanghal ang Karatula, Sinagbayan, Gapas mula sa Laguna, Pamana mula sa Aurora, Pampanga Cultural Group, Sining Bulusan, All UP Workers Union at mga manggagawang-bukid mula sa Hacienda Luisita.

Naging masaya at makabuluhan ang naging takbo na programa. Tumatalakay din kasi ang mga awit, tula at sayaw sa mga karanasan at mithiin ng mga magsasaka.

Mga Awit ng Paglaya
Sa isang tula ng isang batang babae mula sa Hacienda Luisita, pinagpugayan nito ang mahabang pakikibaka ng kanilang mga magulang para maipamahagi na sa kanila ang lupang kanilang binubungkal. Sinasabi rin nito na hindi dapat itigil ang laban at dapat itong ipagpatuloy ng mga kabataan.

Umalingawngaw sa gusali ng CSWCD ang mga palakpak at tinig ng mga kabataang magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon na nagsasabing;

Liyaban nating muli ang sulo ng karunungan
Muling pag-alabin ang diwa ng hinagsikan…

Ang dampa ng masa ang ating kanlungan
Apoy sa kanyang puso’y ating kailangan
Malayang sisikat ang araw sa Silangan
Wala nang hahadlang sa kalayaan.

O kaya’y;

Lalaya rin ang lupa, mga magsasaka
Tutulungan sila ng mga manggagawa.

Mapapansin ang salitang “kalayaan” at “lalaya” sa sining na nililikha ng mga magsasaka. Kahit sa mga awit-galaw na itinanghal ng mga kabataang magsasaka, matayog ang nakakuyom nilang mga kamao. Parang laging may banta ng paglaya mula sa pagkakagapos. Lumilitaw na isa ito sa kanilang mga adhikain, ang paglaya ng mga magsasaka mula sa pagkaalipin sa lupa dulot ng monopolyong kontrol ng iilang panginoong may-lupa, at lokal at dayuhang korporasyon.

Lakas Para Bukas
Maagang natapos ang programa. Kailangan pang mag-ipon ng lakas para bukas, wika nga ng nagpapadaloy ng progama. Kinabukasan, sumama pa rin ang mga magsasaka sa protesta ng iba’t ibang sektor sa tinatawag ng gobyernong “Araw ng Kalayaan.”

posted by: bathatula at 14:04 | link | comments |

Thursday, 01 June 2006











Pinapandaw ng isang tumutulong sa "huli" (harvest) ang panti. Panti ang kadalasang ginagamit kapag humuhuli ng bangus lalo na kung malaki ang tubig sa palaisdaan.













Sagana sa lamang dagat ang Hagunoy. Sa mga palaisdaan inaalagaan ang mga bangus (kaliwa), at sugpo (kanan). Pero dahil sa polusyon, hindi na rin gaanong nabubuhay ang mga lamang dagat sa palaisdaan, kung meron man, konti na lang di katulad ng dati, ayon sa bantay-palaisdaan na nakausap namin sa Brgy. Sagrada Familia.








Mga nag-iinuman malapit sa palaisdaan sa Sagrada Familia. Bangus ang kanilang pulutan.



Maagang namumulat sa gawaing pangingisda ang kabataan sa ilang bahagi ng Hagunoy. Sa murang edad, natututo na silang lumangoy dahil hinihingi ng pangangailangan. Ang ilan ay isinasama ng kanilang mga magulang sa pangangapa, ang iba'y sa pamamalakaya sa laot at ang iba, tulad ng nasa itaas, ay tumutulung-tulong kapag may humuhuli sa palaisdaan.


Dahil naliligid ng katubigan, madalas binabaha ang ilang bahagi ng Hagunoy. (Kuha ang litrato sa kalsada ng Sagrada Familia).



Apektado rin ang mga taga-Hagunoy sa suliranin ng bansa sa mataas na presyo ng produktong petrolyo. Pero may pamalit sila, halimbawa sa LPG, masipag manguha ng kahoy ang mga taga-Hagonoy.
(Nasa litrato ang tatay ko kasama ng aso namin. Minsan, kasama niya rin sa pangangahoy si Lala, ang aso).
 

posted by: bathatula at 10:05 | link | comments (1) |

 

About me

Blogger:
Name: soliman agulto santos

Contact me
My profile
Linkme
Subscribe to this blog

Recent comments

Mo'nonymous on Kung Ako’y Lim...

 

Counter

visited *loading* times